DentalCare Logo
Dental Abscess img

Pagnanana ng Ngipin o Bibig - Dental Abscess - Tagalog

Ang pagnanana ng ngipin o bibig ay isang masakit na pamamaga na puno ng malapot na likidong kulay dilaw (nana). May dalawang uri ng pagnanana ng ngipin o bibig, ang pagnanana ng gilagid (kilala rin bilang periodontal abscess) at pagnanana ng ngipin (kilala rin bilang periapical abscess).

Ano ang mga dahilan ng pagnanana ng ngipin o bibig?

Maaaring magkaroon ng mga pagnanana kapag nagkaroon ng iritasyon sa loob ng iyong bibig at pumasok ang bacteria, na nagdudulot ng impeksyon. Nagkakaroon ng nana sa palibot ng impeksyong ito bilang pangharang, pinipigilang kumalat ang impeksyon.

Ang pagnanana ng gilagid ay kadalasang dahil sa isang impeksyon sa pagitan ng ngipin at gilagid. Maaari itong mangyari bilang resulta ng pagkakaipit ng pagkain o, sa mga kaso ng mga malalang periodontal na sakit, kapag may naipong bacteria sa ilalim ng gilagid at sa buto.

Lumilitaw ang pagnanana ng ngipin sa dulo ng ugat ng ngipin at nangyayari kapag patay o malapit nang mamatay ang nerve ng ngipin.

Mga sintomas ng pagnanana ng ngipin o bibig


Kasama sa mga sintomas ng pagnanana ng ngipin o bibig ang:

  • pumipintig na pananakit
  • pamamagang puno ng nana
  • pamumula ng gilagid
  • mga ngiping sensitibo sa pressure
  • mapaklang lasa sa bibig (nangyayari kapag lumabas ang nana)

Mahalagang huwag balewalain ang mga sintomas ng pagnanana ng ngipin o gilagid, dahil maaaring tumagal ang impeksyon nang ilang buwan o taon at hindi matatanggal nang walang paggamot. Kung hindi gagamutin, ang impeksyon ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga ngipin at butong nakapalibot dito, at maaari ding mapunta sa daluyan ng dugo, na magdudulot ng mas maraming kumplikasyon.

Paggamot sa pagnanana ng ngipin o bibig

Kung sa tingin mo ay mayroon kang pagnanana ng ngipin o gilagid, dapat kang magpa-appointment sa isang dental professional.

Lilinisin ng iyong dentista ang bahagi sa palibot ng pagnanana, papalabasin ang pagnanana para maalis ang nakulob na nana at gagamutin ang impeksyon. Kung minsan, nagkakaroon ng fistula sa bibig sa buto at balat para pahintulutang lumabas ang nana. Kung nabuo ang walang lamang tunnel na ito bilang resulta ng iyong pagnanana, lilinisin ito ng iyong dentista, at hahayaan itong kusang magsara.

Kapag may nagsimulang impeksyon sa loob ng ngipin, kakailanganin ng iyong dentista na gumawa ng maliit na butas sa ngipin. Hahayaan nitong lumabas ang nana sa ngipin. Kakailanganin ng paggamot sa root canal at paglalagay ng pasta o crown pagkatapos ng pamamaraang ito.

Sa mga kaso kung saan ang pagnanana ay nakapagdulot ng pinsala sa ngipin o partikular na malaki, maaaring kailanganin mong ipatanggal ang ngipin.

Kung ang iyong pagnanana ng ngipin o bibig ay dahil sa periodontal na sakit, kakailanganing gamutin ang sakit para mapigilan ang higit na impeksyon. Gayunpaman, maaaring palabasin ng iyong dentista ang pagnanana para maibsan ang pananakit.

Paano maiiwasan ang pagnanana ng ngipin o bibig

Maaaring iwasan ang mga pagnanana sa pamamagitan ng pagpapanatili ng maayos na kalusugan ng ngipin. Kasama rito ang araw-araw na pagsisipilyo at pagfo-floss, gayundin ang mga regular na checkup sa isang dental professional.